Tinawag na palpak ni Volunteers Against Crime and Corruption o VACC Spokesman Arsenio ‘Boy’ Evangelista ang war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Evangelista, tila wala nang kinatatakutan ang mga kriminal sa paggawa ng mga karumal-dumal na krimen sa kabila ng pinaigting na kampaniya ng gobyerno hinggil dito.
Naaalarma na rin aniya siya sa sunud-sunod na mga kaso ng panggagahasa at pagpatay partikular na sa mga kabataan.
Magugunitang bangkay na ng matagpuan ang katawan ng magkasintahang sina James Carl Guzman at Glorie Mae Carbonel sa baybayin ng Bataan noong linggo.
Natagpuang patay at nakagapos pa sa isang talahiban sa Rodriguez, Rizal noong isang buwan ang magkasintahang college students na sina John Vincent Umiten at Charmaine Villarias.
Habang kamakailan lamang, natagpuan din ang bangkay ng 23-anyos na bank employee na si Mabel Cama na pinaniniwalaang ginahasa muna bago pinatay at nakuha pang sunugin ang katawan nito.
—-