Binatikos ng isang obispo ang ginawang pag-hold ng mga pulisya sa siyam na foreign nationals sa isang checkpoint sa bayan ng Opol sa Misamis Oriental.
Ayon kay Bishop Felixberto Calang, posibleng maging traumatic para sa mga nasabing dayuhan ang kanilang naranasan sa bansa.
Paliwanag ni Opol Municipal Police Chief; Senior/Inspector Dennis Rowell Flores, kanilang pinigil ang mga nasabing dayuhan matapos magkatanggap ng report mula sa mga residente kaugnay ng presensiya ng mga ito sa lugar.
Giit ni Flores, bahagi lamang ng pagtiya sa seguridad sa lugar ang kanilang ginawa matapos ang giyera sa Marawi City.
Agad ding pinakawalan ang siyam na mga banyaga na kinabibilangan ng apat na Cambodian, apat na Thai at isang Indonesian matapos ang background check na isinagawa ng pulisya.
Iginiit naman ng grupong KMP o Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na legal ang pagbisita ng mga nasabing dayuhan sa bansa na layunin umano ang makipag-usap sa mga magsasaka sa bayan ng Opol kaugnay ng problema sa land grabbing.