Matapos ang ASEAN summit, itututok na ng philippine national police ang kanilang atensyon sa seguridad para sa paparating na pasko.
Ayon kay PNP Spokesman, Chief Supt. Dionardo Carlos, ipakakalat na anila sa mga mall at bus terminal maging sa mga commercial establishment ang mga pulis na nagbantay noong ASEAN Summit.
Magsasagawa rin aniya ng crime mapping kung saan tutukuyin ang lugar na may pinakamaraming krimen at doon ibubuhos ang puwersa ng mga otoridad.
Pinaalalahanan din ng PNP ang publiko kaugnay sa mga modus operandi lalo na sa mga matataong lugar.
Ayon kay Carlos bukod sa kalimitang kaso ng nakawan,pinag iingat din ang lahat sa pambibiktima ng salisi gang, bespren gang, dura-dura gang, laslas bag-bulsa gang, pitas gang, laglag barya, at ipit taxi.
Ibayong pag-iingat at pagiging alerto aniya ang kailangan upang maiwasang mabiktima ng mga ganitong uri ng modus.