Naniniwala si Transportation Undersecretary Cesar Chavez na nagkaroon ng pananabotahe sa pagkakatanggal ng bagon sa tren ng MRT – 3 kahapon.
Paliwanag ni Chavez, lumalabas sa imbestigasyon na natanggal at nawawala ang tinuturing na black boz ng sangkot sa tren.
Sang – ayon din dito si Roel Jose na isa sa mga rolling stock specialist ng MRT – 3, kung saan kanila ding ipinagtataka kung papaano naghiwalay ang dalawang bagon gayong wala naman aniya silang nakitang electrical o mechanical fault.
Itong bagon natin… kapag binababa ito mula sa revenue line, minsan alas diyes (10:00) ng gabi, alas diyes ‘y medya (10:30) ng gabi, alas onse (11:00) ng gabi… ‘pag binababa ‘yan, unang section na pinupuntahan nyan ay ‘yung tinatawag na light maintenance section, tinitingnan ‘yung aircon, ‘yung lights, ‘yung switch board, ‘yung panel, lahat tinitingnan ‘yan.
Kung may major na mali o deperensya, ire-refer ‘yan doon sa kanilang yard, kung tawagin natin ay heavy maintenance section. ‘Pagka natapos ‘yan doon sa heavy maintenance, ililipat ‘yan sa tinatawag nating stabling area kung saan nandoon ‘yung emergency repair unit, pangatlong area na pwedeng pagdaanan.
Pero, ang pang-apat ay ‘yung driver. Ang driver ay nandoon, mismong katabi ng yard man. ‘Pag aakyat siya, may checklist ‘yan, alam niya na kompleto ‘yan.