Humirit ng diyalogo ang Angkas sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, kasama ang ibang sektor, para sa kapakanan ng riding public na nawalan ng opsyon sa transportasyon sa gitna ng lumalalang sitwasyon ng trapiko sa kalakhang Maynila.
Sa kanilang liham kay LTFRB Chairman Martin Delgra, binigyang – diin nina Angeline Tham at David Medrana ng Angkas na wala silang ibang layunin kundi ang makatulong sa mga mananakay na naghahanap ng alternatibong masasakyan dahil sa traffic congestion.
Maliban dito, nangako naman ang Angkas na tuluyan na nilang ititigil ang kanilang mga operasyon sa Metro Manila sa simula, ngayong Nobyembre 18, 2017.
Nangangamba din ang Angkas na baka lalo pang mamayagpag ang iligal na operasyon ng habal – habal dahil sa kawalan ng tamang regulasyon na higit pang maglalagay sa peligro sa mga mananakay.
Una nang ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Makati ang tanggapan ng Angkas sa lungsod dahil sa kawalan ng business permit para makapag – operate.
Sa pamamagitan ng Angkas app o application, nakakakuha ng mga pasahero ang kompanya sa pamamagitan ng internet, katulad ng Uber at Grab, pero motorsiklo ang ginagamit ng mga tsuper sa kanilang operasyon.