Umabot na sa “record high” na isanlibo tatlundaan apatnapu’t isang (1,341) operasyon ang inilarga ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA simula nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na PDEA na ang mangunguna sa war on drugs.
Ayon kay PDEA Spokesman Derrick Carreon, isinagawa ang mga operasyon noong oktubre 10 hanggang nobyembre 10.
Umabot na sa apatnaraan apat (404) na drug pusher at user ang naaresto habang 53.8 million pesos na halaga ng iligal na droga ang nasabat.
Ang record-high anyang tagumpay ay resulta ng pagpapalit ng operational procedure ng PDEA upang mabawasan ang bilang ng mga high-value target sa pamamagitan ng pagsasagawa ng high-impact at quality counter-drug operations.
Kabilang sa mga malaking operasyon ng PDEA ang pagkaka-aresto kay Dhan Usman Saban noong october 25 sa isang buy-bust operation sa Taguig City kung saan nasabat ang nasa isang milyong pisong halaga ng shabu, pagkakadakip sa aktor na si Cogie Domingo at dalawang iba pa sa Parañaque City noong october 27 at pag-aresto kina Yuk Lai Yu sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong at anak nitong si Diana Yu sa San Miguel, Maynila noong november 6.