Mahigpit na mino-monitor ng militar at pulisya ang ulat na nagsasagawa ng recruitment ang Maute at iba pang local na ISIS-inspired group sa Northern Mindanao.
Ayon kay Northern Mindanao Police Regional Office Spokesman Supt. Lemuel Gonda, batay sa nakukuha nilang report, nangyayari ang recruitment sa bahagi ng Cagayan de Oro, Iligan City at Central Mindanao Region.
Partikular na target umano ng mga ito ang mga kaanak ng mga naapektuhan ng giyera sa Marawi City, mga balik-Islam at mga residente ng Lanao del Sur at kalapit na probinsya.
Dagdag ni Gonda, inaalok rin ng mga teroristang grupo ng P20,000 bayad ang ilang mga estudyante sa highschool at kolehiyo mula sa ilang mga paaralan at unibersidad sa Northern Mindanao para kanilang mga bagong miyembro.
Bukod dito, may pangako rin aniyang buwanang sahod kapag nag-umpisa na ang mga bagong recruits na mag-training.
Nakikipag-ugnayan na rin ang militar at pulisya sa mga local Muslim at religious leaders sa northern Mindanao para maberipika naman ang ulat na maging ang mga babae ay kinukuha ring miyembro ng mga teroristang grupo.
—-