Dumistansya ang dating maintenance provider ng Metro Rail Transit o MRT Line 3 sa anggulo na sabotahe di umano ang insidente ng pagkalas ng dalawang bagon ng MRT-3.
Ayon kay Atty. Charles Mercado, Spokesman ng Busan Universal Rain Incorporated o BURI halos magdadalawang linggo nang kanselado ang kanilang kontrata sa MRT-3 nang maganap ang insidente.
Ipinagtaka ni Mercado ang sinasabi ni Department of Transportation o DOTr na nawawala ang black box ng tren na sangkot sa insidente.
Bukod aniya sa 4 level inspection na dinadaanan ng mga train parts bago bumiyahe, nasa tabi rin ng driver ng train ang black box.
Pinayuhan ni Mercado ang DOTr na mag-focus sa tunay na isyu na posibleng sanhi ng maling disensyo ang pagkalas ng mga bagon ng tren.
Una nang inihayag ni DOTr Undersecretary Cesar Chavez na may natukoy na silang tatlong persons of interest sa anya’y pananabotahe sa MRT-3.
‘3 persons of interest’
Itinanggi ng National Bureau of Investigation o NBI na sa kanila nagmula ang pangalan ng tatlong persons of interest sa di umano pananabotahe sa MRT-3.
Ayon kay NBI Director Dante Gierran, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng special action unit na kanyang itinalaga sa pamumuno ni Atty. Joel Tovera.
Sinabi ni Gierran na ipauubaya rin nila sa Department of Transportation o DOTr kung isasapubliko, anuman ang kalabasan ng kanilang imbestigasyon.
(May ulat ni Aya Yupangco)