Nakahanda si Pangulong Rodrigo Duterte na magpalabas ng proklamasyon kaugnay sa plano nitong pagde – deklara sa CPP – NPA na terrorist organization.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi na uubra sa NPA ang kategoryang ‘rebelde’ dahil sa patuloy na paninira ng mga ito ng mga ari – arian ng mga sibilyan gayundin ang pagpatay sa mga inosenteng mamamayan.
Giit pa ni Pangulong Duterte, mababaw na parusa lamang ang ipinapataw sa rebelyon dahil maaari naman itong mabayaran ng piyansa.
Maliban sa CPP – NPA, sisilipin din ni Pangulong Duterte ang grupong Bayan partikular na ang mga aktibidad nito na posibleng may kinalaman sa nabanggit na rebeldeng grupo.
Suporta ng ilang senador
Suportado ng ilang senador ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagde – deklara bilang terorista sa CPP – NPA.
Ayon kay Senate Committee on National Defense and Security Chairman Gringo Honasan, prerogative ni Pangulong Duterte bilang commander – in – chief ang pagde – deklara sa isang grupo na terorista.
Giit pa ni Honasan, kung ang Amerika ay idineklarang terorista ang CPP – NPA, ang Pilipinas pa kaya aniya na ginugulo ng mga naturang rebelde.
Samantala, ayon naman kay Senate Majority Floor Leader Tito Sotto, inaasahan na ang naturang plano ng Pangulo dahil mayroon nang isang Regional Trial Court o RTC sa Mindanao ang nagdeklara sa CPP – NPA bilang terrorist organization.