Nagtataka umano si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa motibo ni Atty. Larry Gadon para naisin nitong patalsikin siya sa puwesto.
Sa isang panayam kay Sereno, sinabi nito na hindi niya nakilala kailanman si Gadon kaya’t hindi niya lubos na maunawaan kung saan nagmumula ang lahat ng mga paratang nito laban sa kaniya.
Kabilang sa mga reklamong isinampa ni Gadon laban kay Sereno ang hindi nito pagdideklara ng tama sa kaniyang SALN ng kaniyang mga yaman gayundin ang umano’y pang-aabuso niya sa kapangyarihan at ang pagbabalewala nito sa tradisyon ng high tribunal.
Bagama’t batid ng Punong Mahistrado na isa aniyang talunang kandidato sa pagkasenador si Gadon na may maimpluwensyang mga kaibigan at may nakabinbin ding kaso sa Korte Suprema.
Magugunitang sinampahan ng disbarment case si Gadon sa Supreme Court makaraang ihayag nito sa mga panayam sa kaniya na handa siyang pumatay ng tao lalo na ng mga Muslim kung hindi sila sususporta sa hakbang ng gobyerno para tuldukan ang rebelyon sa Mindanao.
—-