Isasampal at ipakakain ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang papel sa mga abogado ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang banta ni Alvarez sa kampo ni Sereno sakaling dumulog sila sa Korte Suprema at makakuha ng TRO o Temporary Restraining Order laban sa impeachment complaint laban sa punong mahistrado.
Giit ng speaker, tila hindi nagbabasa ng libro sa batas ang mga abogado ni Sereno dahil malinaw na umiiral ang paghihiwalay ng kapangyarihan ng lehislatura at hudikatura bilang co-equal branch ng gubyerno.
Nakasalig aniya sa saligang batas na tanging ang Kongreso lamang ang binibigyan ng kapangyarihan sa proseso ng impeachment kaya’t hindi ito kailanman maaaring kuwesyunin maging sa high tribunal.
Sa huli, sinabi ni Alvarez na mapatutunayan lamang ng kampo ng punong mahistrado na mahina ang kanilang depensa sakaling mabigo si Sereno na humarap sa ipatatawag na pagdinig ng House Committee on Justice bukas, Nobyembre 22.