Nahaharap sa kasong paglabag sa flag and heraldic code ang 20-anyos na lalaki sa Clark, Pampanga makaraang tumangging tumayo habang tinutugtog ang pambansang awit sa loob ng isang sinehan.
Ayon kay Charge d’Affaires Elmer Cato, nakaupo sa kaniyang unahan si Bayle Einstein Gonzales nang patugtugin sa sinehan ang Lupang Hinirang bago simulan ang pagpapalabas ng pelikula.
Ngunit sa halip aniyang tumayo, patuloy lamang si Gonzales sa pagkain ng pop corn sa kabila ng pagsita sa kaniya ni Cato ng dalawang beses na siyang dahilan para ireklamo na siya sa pulisya.
Nakasaad sa naturang batas na maaaring pagmultahin si Gonzales ng P5,000 hanggang P20,000 at pagkakakulong ng hanggang isang taon sakaling mapatunayan sa korte ang kaniyang paglabag.
—-