Ibinasura ng House Justice Committee ang mosyon ng ilang mambabatas na pahintulutan silang mga hindi miyembro ng komite na makilahok sa talakayan at pagtatanong sa impeachment proceeding laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Katwiran ni Ilocos Norte Representative Rodolfo Fariñas, hindi na matatapos ang pagdinig kung lahat ng mga interesadong mambabatas ay papayagan makapagsalita at makapagtanong.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Fariñas na maaari pa rin namang dumalo ang mga hindi miyembro ng komite ngunit hindi sila maaaring makilahok sa mga diskusyon at pagtatanong.
“Certainly you are free to attend. But if every member of the House, if each member will be allowed we will never finish here.” Ayon kay Fariñas
“You can listen so that you will be already enlightened when you vote in plenary. [But] I reiterate the position of the Committee on Rules [that] non-members of the committee cannot participate in the deliberations.” Dagdag nito
Binigyang diin din ni House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali na mayroon lamang 60 session days ang kanilang komite para talakayin ang kasong impeachment laban kay Sereno.
Una rito, kinuwestyon ni Albay Representative Edcel Lagman ang ruling ng House Justice Committee at sinabing walang saysay ang kanilang pagdalo kung di sila mabibigyan ng pagkakataong makapagsalita at makapagtanong.
Ipinunto ni Lagman na sa mga executive session ng Kamara ay pinapayagan naman ang mga hindi miyembro na makibahagi sa mga pagdinig at ang pagboto lamang ang ipinagbabawal sa mga ito.
“It is the immutable and inflexible tradition in the House of Representatives that House members who are not members of standing and special committees have the right to participate in the proceedings of the committees without the right to vote,” Pahayag ni Lagman sa kanyang inihaing position paper.
Binigyang diin naman ni Dinagat Islands Representative Kaka Bag-ao na tamang management lamang ang kailangan upang mabalanse ang interes ng mga hindi miyembro ng komite na nagnanais na makibahagi sa impeachment proceeding.
Nagpapatuloy ang pagdinig ng Kamara para i-determina kung may probable cause ang isinampang reklamo ni Atty. Larry Gadon laban kay CJ Sereno.
(Ulat ni Jill Resontoc)