Tinabla ng House Committee on Justice ang mosyon ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na maging kinatawan niya sa pag-cross examine ng mga witness sa impeachment case laban sa kanya ang kanyang mga abogado.
Tatlumpung (30) miyembro ng komite ang bumoto para ibasura ang mosyon ni Sereno samantalang apat lamang ang pumabor dito.
Nauna nang iginiit ni House Majority Floor Leader Rudy Fariñas na walang karapatan si Sereno na igiit ang partisipasyon ng kanyang mga abogado sa pagtatanong sa mga testigo.
Ayon kay Fariñas, maituturing na preliminary investigation lamang ng isang kaso ang ginagawa nila sa House Committee on Justice kaya’t puwede lamang makapagtanong sa testigo ang mga abogado ni Sereno kapag nililitis na ang kaso sa Senado.
Maaari naman anyang payagan ang mga abogado na makapagtanong subalit sa pamamagitan ito ng pagbibigay ng kanilang mga katanungan sa isang kongresista na miyembro ng komite.
Bagamat sinegundahan ni Congressman Ramon Rocamora si Fariñas ipinaliwanag nito na puwede namang payagan ang mga abogado na makapag-cross examine sa mga testigo para makatipid sa oras.
Sinabi ni Rocamora na sa loob ng mahabang panahon na naglingkod siya bilang prosecutor ay nagbigay siya ng kaluwagan sa preliminary investigations para bumilis ang usad ng kaso.
(Ulat ni Jill Resontoc)
Mga lawyers ni Sereno lumabas na sa hearing room ng House Justice comm.dahil di pinayagan mag-cross examine kay Gadon @dwiz882pic.twitter.com/wtKwpCX9hH
— JILL RESONTOC (@JILLRESONTOC) November 22, 2017
—-