Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines o AFP na posibleng meron nang bagong lider ang mga teroristang grupo sa bansa, isang buwan matapos ang Marawi crisis.
Ayon kay Joint Task Force Group Ranao Deputy Commander Romeo Brawner Jr., nangunguna sa listahan ay ang Malaysian terrorist na si Amin Baco na sinasabing pumalit kina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Aniya, nagpapatuloy pa ang proseso pagkumpara sa DNA samples ng mga narekober na bangkay sa Marawi City at DNA samples ng mga kaanak ni Amin Baco sa Malaysia para matiyak kung patay na ito.
Nasa listahan din si Owaida Benito Marahombsar alias Abu Dahr na sinasabing pinaalis agad sa Marawi City para itago ang kanilang mga ninakaw na ginto at pera na gagamitin sa recruitment.
Gayundin sina Ali Amintao alyas White Lawaan na dating financier ng Maute terror group; tiyuhin ng Maute brothers na si Zacaria Romato at dayuhang si Najib Calimba Pundog na sinasabing malapit kay Omar Maute.
—-