Hinihintay na lamang ng Pambansang Pulisya ang pormal na kautusan mula kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa muling pagbabalik nila sa kampanya kontra iligal na droga.
Kasunod nito, inihayag sa DWIZ ni Philippine National Police o PNP Spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos na handa na ang kanilang hanay para sa muling pagsabak sa war on drugs na nakatutok sa mga komunidad.
Habang ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA naman aniya ang nakatutok sa mga high value targets alinsunod na rin sa mandato nito sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Una nang inihayag ni PDEA Director General at dating police official Aaron Aquino na wala silang nakikitang problema sakaling ibalik sa PNP ang pangunguna sa war on drugs.
Bagama’t una nang sinabi ng PNP na hindi nila matitiyak na walang pagdanak ng dugo sa muling pagbabalik nila sa war on drugs, sinabi ni Carlos na dapat mas pagtuunan ng pansin ang mga sumuko at naarestong buhay sa ilalim ng nasabing kampaniya.
—-