Kumbinsido si Congressman Reynaldo Umali na papayagan ng Supreme Court En Banc sina Associate Justices Teresita de Castro at Noel Tijam gayundin ang iba pang opisyal ng judiciary na tumestigo sa impeachment hearing laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Umali, mayroon nang mga naunang aksyon ang Supreme Court En Banc na hindi nila inaasahan.
Tinukoy ni Umali ang pagpayag ng Supreme Court En Banc na ilabas ang mga dokumento ng korte na itinuturing nilang confidential.
“Bago pa nai-file ang impeachment complaint na ito, pinayagan nilang mai-release ang mga records nila, mga resolusyon na confidential sa kanila, internal yun, pero yung Supreme Court En Banc ay pinayagan na isapubliko yun na kasama na nga doon sa impeachment complaint na inihain ni Atty. Gadon at Jimenez noon.” Ani Umali
Kasabay nito ay kinontra ni Umali ang mga nagbabala ng constitutional crisis sakaling totohanan ng House Committee on Justice ang bantang ipaaresto si Sereno.
Ipinaliwanag ni Umali na isang impeachment committee na ngayon ang House Committee on Justice at ang mandato nito ay nagmumula sa konstitusyon.
Ito aniya ang dahilan kaya’t hindi naaayong gamitin sa kasalukuyang sitwasyon ni Sereno ang prinsipyo ng separation of powers.
“Wala pong ibang komite sa Constitution na inatasan niyan maliban sa House of Representatives, Committee on Justice so we are performing a constitutional duty, mas matibay po at matimbang ang mandato na yan, paano natin ipatutupad yun kung hindi mo puwedeng gawin yun dahil sa prinsipyo ng separation of powers?” Pahayag ni Umali
(Balitang Todong Lakas Interview)