Wala nang bisa ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o JASIG ngayong kanselado na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at NDF – CPP – NPA.
Ito ang binigyang – diin ng Malakanyang sa gitna na din ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng pag – aresto sa mga lider ng komunistang grupo.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, wala nang peace talks kaya’t otomatikong wala na ding epekto ang JASIG.
Mismong sa Pangulo na din aniya nanggaling na dapat ng arestuhin ang mga negosyador ng mga rebeldeng komunista partikular na ang mga may kinakaharap na mandamyento de aresto.
Hindi na aniya sila saklaw ng JASIG habang ipinapaubaya na ng Palasyo sa Department of Justice (DOJ) ang susunod na hakbang para naman sa pagdakip sa mga tinaguriang legal front ng komunistang grupo.