Nakasalalay sa testimoniya at mga dokumento mula sa Korte Suprema ang pagpapatibay sa mga alegasyon ni Atty. Lorenzo “Larry” Gadon hinggil sa kaniyang inihaing impechment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito’y makaraang aminin ni Gadon sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Justice kahapon na wala siyang hawak na ebidensyang makapagpapatunay sa mga alegasyon nito laban sa Punong Mahistrado.
Kabilang sa mga alegasyong hindi masagot ni Gadon ay ang pagiging maluho ni Sereno, ang pagsakay nito sa first class na eroplano sa tuwing bumibiyahe ito.
Hindi rin maalala ni Gadon kung kanino niya nakuha ang impormasyon hinggil sa pagtuloy ni Sereno sa isang presidential villa sa Boracay habang nasa official trip ito.
Sa panig naman ng Punong Mahistrado, inamin nilang umarkila nga ang High Tribunal ng isang presidential villa para kay Sereno na noo’y dumadalo sa ikatlong ASEAN Chief Justice Meet noong 2015.
Subalit pinagamit na rin ito sa mga tauhan ng Korte Suprema kaya’t nakatipid pa nga ang pamahalaan sa gastos taliwas sa alegasyon ni Gadon.
Pero giit ni Gadon, malinaw na ginamit ni Sereno ang impluwensya nito para makakuha ng mamahaling villa para tuluyan sa isang araw na pananatili roon.
—-