(Story By Raoul Esperas)
Himalang nakaligtas ang isang 5-taong gulang na bata matapos mahulog ng nasa 15-talampakang taas mula sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA Terminal 1, Miyerkules ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Mohammed Alif Azizh, isang Malaysian national at papaalis papuntang Jeddah.
Ayon kay Dante Basanta, Manager ng NAIA Terminal 1, nagtamo lamang ng minor injuries ang bata matapos na mahulog na agad na dinala sa ospital ng mga rumespondeng airport authorities.
Kasamang bibiyahe sana ng bata ang kanyang ama ngunit hindi na natuloy dahil sa aksidente.
Sinabi ng isa sa mga janitor sa paliparan na nakasaksi sa insidente na hindi niya akalaing makakaligtas pa ang bata matapos ang 15-feet fall.
“Napasigaw po ako ng makita ko nahulog ang bata akala ko po patay dahil sa taas ng departure sa arrival area, buti na lang binantayan siya ng kanyang guardian angel.”
Kasabay nito ay pinaalalahanan ni Airport General Manager Ed Monreal ang lahat ng mga pasahero partikular ang mga may kasamang bata na palagiang bantayan ang kanilang mga anak.
—-