Tiniyak ng Malakanyang na hindi nila pababayaan ang mga mananakay na posibleng maapektuhan ng dalawang araw na tigil – pasada na ikinakasa ng PISTON sa Disyembre 4 at 5.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, gagawin ng gobyerno ang lahat upang mabigyan ng proteksyon ang publiko mula sa perwisyong idudulot ng malawakang transport strike.
Dagdag pa ni Roque, gagamitin ng pamahalaan partikular na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang kanilang kapangyarihan para sa legal na hakbangin upang mapanagot ang sinumang magiging sanhi ng anumang abala sa mga kalsada.
Sa ngayon ay hindi pa masabi ni Roque kung magde – deklara ng suspensiyon ang Malakanyang sa klase sa mga paaralan at pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa Disyembre 4 at 5.