Na–alarma ang Department of Health o DOH sa pag – amin ng manufacturer ng dengue vaccine na delikado ang bakuna kapag naibigay sa mga hindi pa kinakapitan ng dengue.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, inatasan na niya ang Dengue Technical and Management Committee para makipag – pulong sa mga eksperto para sa kanilang susunod na hakbang.
Aminado si Duque na isang malawakang trabaho ang naghihintay sa kanila dahil kailangan nilang isa isahin kung sino – sino ang mga batang nabigyan ng bakuna na hindi pa nakakasakit ng dengue.
Matatandaan na P3-B halaga ng bakuna na Dengvaxia ang binili ng pamahalaan para sa may isang milyong bata na nasa public school sa mga lugar na mataas ang insidente ng dengue.
Sinimulan itong ibigay sa mga bata noong Abril 2016 at susundan ng dalawa pang bakuna pagkaraan ng tig – anim na buwan.
Halos kalahating milyong bata na siyam na taong gulang ang nabakunahan noong Abril 2016 sa ilalim pa ng administrasyon noon ni Secretary Janet Garin.
Sa naturang bilang nasa mahigit 415,000 ang sumipot sa pangalawang bakuna pagkaraan ng anim na buwan.
Sa kasalukuyan ay pinakukuha na ni Duque ang datos kung ilang mga bata ang naka kumpleto sa ikatlong yugto ng bakuna.
Una dito, inamin ng Sanofi Pasteur, manufacturer ng Dengvaxia na posibleng tamaan ng mas matinding sakit ang mga batang nabigyan ng Dengvaxia kung hindi pa sila nagkakasakit ng dengue.