Walang dapat ikabahala.
Ito ang mensahe ng Palasyo kaugnay sa naging pahayag ni Vice President Leni Robredo na nakakabahala ang mga panawagang magkaroon ng revolutionary government lalo’t ilan sa mismong mga nagsusulong nito ay nasa gobyerno.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ikinagagalak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang panukala ngunit ilang ulit aniya itong ni – reject ng Pangulo.
Ito ay dahil aniya, sinabi ng Pangulo na hindi pa kailangan ang revolutionary government sa ngayon.
Matatandaang sa isang video sa Facebook page ni PCOO Assistant Secretary Mocha Uson, sinabi ng Pangulo na bilang isang abogado, obligasyon niyang sundin ang konstitusyon.
Gayunman, posible aniyang magdeklara siya ng revolutionary government kapag nakita niyang bumabagsak na ang bansa subalit sa ngayon ay wala pa siyang nakikitang dahilan.