Binalaan ni National Capital Region Police Office o NCRPO Director Chief Supt. Oscar Albayalde ang mga pulis na posible silang maharap sa kasong administratibo kapag hindi gumamit ng mga ii-isyung mga body cameras sa mga operasyon.
Kasunod ito ng paggamit na ng nasa 48 mga body cameras ng Pasig Police na ibinigay ng lokal na pamahalaan ng Pasig.
Ayon Albayalde, kailangang may isang pulis man lang ang nakasuot ng body camera lalu na sa mga sensitibo nilang operasyon.
Mahaharap naman sa kasong negligence ang mga pulis na mapatutunayang nagpatay ng kanyang body camera habang nasa operasyon.
Iginiit pa ni Albayalde na ang paggamit ng body cameras ay proteksyun na rin ng mga pulis sakaling may kumuwestiyon sa kanilang mga isinasagawang operasyon.
—-