Pinaghahanda ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang commuters para sa ikinakasang dalawang araw na tigil – pasada ng Pinagkaisahang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON sa Disyembre 4 at 5.
Ayon kay LTFRB Spokesperson Atty. Aileen Lizada, hindi nila hihilingin sa tanggapan ng Pangulo na magdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng holiday para sa isasagawang nationwide transport strike.
Giit ni Lizada, marami nang inilaan na holiday para sa naunang tigil – pasada ng PISTON, kung saan sinuspinde ng dalawang araw ng Pangulo ang klase ng mga estudyante maging ang pasok sa tanggapan ng gobyerno noong nakaraang buwan.
Gayunman, tiniyak ni Lizada na hindi nila pababayaan ang mga mananakay at magde – deploy ang gobyerno ng mga sasakyan sa ilang lugar sa Metro Manila na magbibigay ng libreng sakay.
Ang ikinasang tigil – pasada ng PISTON ay bilang pagtutol sa planong jeepneey modernization program ng pamahalaan.