Patay ang dalawang miyembro ng New People’s Army o NPA sa engkwentro sa Alabel, Saranggani.
Ayon kay Colonel Roberto Ancan, commander ng 102nd Infantry Brigade, naganap ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng 73rd Infantry Battalion at NPA sa Sitio Balataan sa Barangay Pag – asa.
Limang armas ang narekober ng mga sundalo mula sa grupo samantalang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga nasawing rebelde.
Matatandaang ini – utos ng Pangulo sa mga sundalo na barilin agad ang mga NPA na kanilang makakaharap sa mga operasyon.
Sinabi pa ng Pangulo na mainam na ang mga rebelde na ang mapatay sa halip na ang mga sundalo at tiniyak nitong pananagutan niya sa taumbayan ang mga sundalong makapapatay sa mga rebelde.
Kasunod nito, ibinabala ng Pangulo na posibleng samantalahin ng mga terorista partikular na ng ISIS ang sitwasyon para maisakatuparan ang kanilang misyong makapagtayo ng teritoryo sa Asya.