Paiimbestigahan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang pagbili ng DOH o Department of Health ng bilyong bilyong pisong halaga ng dengue vaccine na dengvaxia na itinurok sa mahigit pitung daang libong mga bata.
Kasunod ito ng pahayag ng manufacturer ng dengvaxia na Sanofi Pasteur na posibleng magkaroon ng masamang epekto ang nasabing dengue vaccine sa mga naturuka nang hindi pa nagkakaroon ng dengue.
Ayon kay Aguirre, lahat ng mga sangkot sa pagbili ng dengvaxia at pagturok nito sa mga estudyante sa mga lugar na may mataas na kaso ng dengue ay kabilang sa mga iimbestigahan at posibleng masampahan ng kaso.
Inatasan na rin aniya ang NBI o National Bureau of Investigation na alamin kung nagbigay ba ng tamang babala ang Sanofi Pasteur sa DOH kaugnay ng dengue vaccine.
Una nang inihayag ng VACC o Volunteers Against Crime and Corruption na kanilang hihilingin sa DOJ at NBI ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa pagbili ng pamahalaan sa dengvaxia dengue vaccine.