Binuweltahan ng Malacañang ang grupong Karapatan na nagbantang maghahain ng reklamo sa United Nations o UN bunsod ng umano’y pagtaas ng mga kaso ng extrajudicial killings o EJK at insurhensya sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tila wala aniyang kuwenta ang pagdulog sa UN kung wala pang kaso na naihahain sa lokal na mga hukuman hinggil dito.
Maituturing aniyang propaganda lamang ng grupo ang kanilang naging banta na ang layunin lamang ay manakot at linlangin ang publiko para maitago ang sarili nilang agenda.
Kinakailangan din aniyang maghain ng grupo sa Korte Suprema ng writ of amparo kung sa tingin ng grupo ay sinisikil ng gobyerno ang karapatan ng bawat Pilipino na mabuhay ng tahimik at mapayapa.
United Nations
Idinulog sa UN ng grupong Karapatan ang naitalang 25 bagong kaso ng extrajudicial killings sa ilalim ng Duterte administration.
Partikular na iniulat ng grupo kina Special Rapporteurs Agnes Callamard at Michael Frost ang mga anilay’y kaso ng pagpatay partikular na sa mga katutubo, mga babae, kabataan at mga manggagawa.
Maliban dito, iniulat din ng grupo ang mga naitalang human rights violations sa ilalim ng mga administrasyon nila dating Pangulong Gloria Arroyo at Noynoy Aquino na hindi pa rin nabibigyan ng hustisya hanggang ngayon.
Hiniling din ng grupo kina Callamard at Frost na tingnan at siyasatin din ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga aktibistang mapatutunayang nakikipag-sabwatan sa New People’s Army o NPA gayundin ang paglalagay dito sa listahan ng mga terorsita.
—-