Nanindigan ngayon ang kumpanyang Sanofi Pasteur na walang namatay sa mga kabataang nabakunahan ng dengue vaccine na dengvaxia.
Ayon kay Dr. Ruby Dizon, Medical Director ng kumpanya, wala silang natatanggap na ulat na may nasawi dahil sa dengvaxia na ibinakuna sa mga kabataan.
“There are no reported deaths that are related to dengue vaccination and this is assessed by an independent expert group which is convened by the DOH, of course, we rest assured monitoring is continuing and we are working with the DOH in collaboration to make sure that this is maintained.” Ani Dr. Dizon
Kasabay nito, pinawi ni Sanofi Pasteur Asia Pacific Senior Director Dr. Joselito Sta. Ana ang pangamba ng mga magulang ukol sa sinasabing severe dengue na posibleng idulot ng dengvaxia.
Ayon kay Sta. Ana, hindi nakamamatay ang sinasabi nilang severe dengue.
Maaari lang aniya makaranas ng lagnat na dalawang araw, pagbaba ng platelet, balinguyngoy o pagdurugo ng ilong at pagkakaroon ng pasa ang mga taong nabakunahan nito.
“Nais kong iparating sa mga magulang na sana maintindihan nila kung ano angtamang impormasyon at ito ang mga rason kung bakit nagdaos tayo ng media round table, para maliwanagan.” Pahayag naman ni Dr. Sta. Ana
Nilinaw din ni Sta. Ana na hindi clinical trial ang pagbabakuna ng dengvaxia bagkus ay bahagi ito ng programa ng DOH.
Dahil dito, hindi aniya tama ang mga akusasyong pinag-eskperimentuhan na parang mga guinea pig ang mga kabataang Pilipino.
“Yung programa ng DOH ay hindi clinical trial, ito ay isang public program so I think yun ang parang kalituhan ng ibang nagsasabing ginawang guinea pigs ang mga bata.” Dagdag ni Dr. Sta. Ana
Sa huli nanawagan ang kumpanyang Sanofi sa media na ipahatid ang mga tamang impormasyon sa publiko upang maiwasan ang kalituhan at mga pangamba.
“Sa tulong ng media, we are asking and counting on you to give the correct information to the parents, kasi ang nangyayari ngayon ang mga magulang natatakot, hindi lang sa dengue vaccination at posible sa lahat ng klase ng pagbabakuna natatakot sila and this will be very bad dahil alam natin na ang bakuna ay isa sa mga public health tool na magliligtas sa mga tao sa vaccine preventable diseases.” Pahayag ni Dr. Sta. Ana
Kasabay nito, tiniyak ng Sanofi Pasteur na patuloy silang nakikipagtulungan sa DOH at Food and Drugs Administration o FDA.
Ito ay may kaugnayan sa muling pagsusuri ng kagawaran sa ipinatutupad na dengue vaccination program kasunod ng pinakabagong impormasyon ng Sanofi ukol sa epekto ng dengvaxia vaccine.
Ayon sa Sanofi, prayoridad nila ang kaligtasan ng publiko at tiniyak ang maagap at transparent na paghahatid ng bagong impormasyon na kanilang nakukuha kaugnay ng dengvaxia.
Dagdag ng Sanofi, nakipag-ugnayan na sila sa FDA para mapalitan ang product label ng vaccine upang maipakita ang bagong impormasyon ukol dito.
Umaasa ang Sanofi na hindi mauwi ang desisyon ng DOH na bawiin ang ibinayad sa kanila ng ahensya dahil napakinabangan din aniya ng bansa ang dengvaxia vaccine.
By Krista de Dios