Hindi kailanman inirekomenda ng World Health Organization o WHO ang kontrobersyal na anti-dengue vaccine na dengvaxia para sa mga programang bakuna nito.
Iyan ang ginawang paglilinaw mismo ng WHO kasunod na rin ng pagbubunyag ng kumpaniyang Sanofi Pasteur hinggil sa peligrong dulot ng nasabing bakuna sa mga naturukan na subalit wala pang history ng dengue.
Batay sa inilabas na position paper ng WHO noong Hulyo ng nakalipas na taon, hindi kabilang ang dengvaxia sa kanilang inirekumendang bakuna at hindi rin nila ito inirekumenda sa mga bansa para isama sa kanilang immunization programs.
Binigyang diin pa ng WHO na nauna nang nagpasya ang Department of Health ng Pilipinas para ipakalat at gamitin ang naturang bakuna bago pa sila maglabas ng abiso o payo hinggil dito.
DepEd continues to monitor
Inamin ng Department of Education o DepEd na wala pa silang naatatanggap na ulat hinggil sa masamang epekto ng anti-dengue vaccine na dengvaxia sa mga mag-aaral na naturukan nito.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, inatasan na nila ang kanilang mga division superintendents na magkasa ng information drive hinggil sa mga sintomas ng epekto ng nasabing bakuna.
Magugunitang isiniwalat ng French Pharmaceutical Company na Sanofi Pasteur na maaaring magdulot ng severe dengue ang sinumang naturukan ng bakuna na wala pang history ng naturang sakit.
Una nang tiniyak ni Briones na makikipagtulungan sila sa Department of Health o DOH para maitala at maaksyunan agad ang nasabing usapin lalo pa’t mahigit 700,000 kabataan ang nabigyan nito noong nakalipas na administrasyon.
—-