Muling ipinaalala ng Department of Energy o DOE sa mga nagtitinda ng tingi-tinging gasolina na dapat sumunod sa mga itinakda nilang panuntunan.
Ito’y makaraang payagan na ng DOE ang mga nagtitinda ng tinging gasolina lalo na sa mga probinsya upang hindi mabalam ang hanap-buhay ng mga maliliit na negosyante.
Pero ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, dapat na rehistrado sa kanila ang mga magtitinda ng gasolina at dapat ding may hawak ang mga ito ng kaukulang permiso mula sa lokal na pamahalaan.
Layon ng nasabing hakbang na maiwasan na ang mga nagbebenta ng tinging gasolina na nakalagay ng mga bote ng softdrinks na mas kilala sa tawag na bote-bote.
Giit ng kalihim, hindi ligtas na kung saan-saan lamang nakalagay ang mga produktong petrolyo kaya naman nagtakda sila ng tamang lalagyan para matiyak ang kaligtasan ng mga nagtitinda gayundin ng mga bumibili nito.
—-