Maituturing ang mga taong 2013 hanggang 2017 na panahon kung kailan naitala ang mabilis na pagtaas ng kaso ng dengue sa Pilipinas at panahon na nagkaroon pa ng outbreak ng nasabing sakit.
Sa taong 2013 umabot sa 186,416 kaso ng dengue ang naitala sa buong bansa mula Enero hanggang Setyembre, bahagyang bumaba naman ngunit nanatili sa daang libong kaso noong 2014 na sumampa sa 113,485.
Taong 2015 naman nang maitala ang aabot sa 200,415 dengue cases sa buong bansa mula Enero hanggang Setyembre lamang.
Sumampa pa ito sa 220,518 dengue cases sa kaparehong panahon noong 2016 at umabot ng hanggang 97,287 naman ngayong 2017.
Mga nakakaalarmang pagtaas na tila naging dahilan upang maging masigasig o magkaroon ng ‘urgency’ ang gobyerno na tugunan ang lumalalang problema sa dengue.
Ayon sa World Health Organization o WHO, ang dengue ang itinuturing na ‘fastest growing mosquito-borne disease’ sa mundo kung saan umaabot sa halos 400 milyong katao ang tinatamaan ng nasabing sakit kada taon at kalat na rin ito sa 100 mga bansa partikular sa Asya, Latin America at Africa.
DENGUE CASES STATISTICS YEAR 2013-2017 (Philippines)
DENGUE DEATH STATISTICS 2013-2017 (Philippines)
Dengvaxia
Disyembre 2015 nang maaprubahan at mabigyan ng lisensya ang kauna-unahang bakuna laban sa dengue sa buong mundo na gawa ng French pharmaceutical company na Sanofi Pasteur…ang Dengvaxia.
Una itong nabigyan ng lisensya sa Mexico ngunit inilaan lamang sa mga lugar kung saan mataas ang naitatalang kaso ng dengue o ang tinatawag na endemic areas.
Abril 2016 naman nang ilunsad ang anti-dengue vaccine program sa Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ng noo’y dating Health Secretary Janette Garin.
Binigyan ng libreng bakuna ang mga piling Grade 4 public school students na mula sa tatlong rehiyon sa bansa kung saan mataas ang dengue cases—ang Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.
Ang Pilipinas ang tanging bansa kung saan isinagawa ang ‘three phases’ ng clinical development ng nasabing bakuna at una rin sa buong mundo na nagpatupad ng dengue vaccine sa pamamagitan ng public health system immunization program at sa ilalim ng public school setting.
Ayon sa DOH, aabot sa 700,000 mga estudyante ang nakatanggap ng una sa tatlong dose ng bakuna na ginastusan ng aabot sa P3.5 billion pesos.
Kasabay nito ay ang kabi-kabila ring pagkuwestyon at panawagang imbestigasyon sa umano’y tila minadaling pagpapatupad ng dengue vaccine program sa kabila ng mga safety questions dito.
Taong 2016 nang imbitahan ng House of Representatives Committee on Health sa isang pagdinig si Garin dahil na rin sa ilang tanong at hiling na medical review ukol sa dengue vaccine.
Sa inilabas na position paper ng World Health Organization o WHO ukol sa dengvaxia noong Hulyo 2016 nakasaad na puwedeng ikunsidera ng mga bansa ang paggamit ng dengue vaccine ngunit tanging sa mga lugar lamang kung saan marami at malala ang mga naitatalang kaso ng dengue.
Inirerekomenda ang bakuna sa mga batang edad 9 pataas lamang, at ang pagbibigay ng tatlong dose ng gamot ay sa loob ng 6-month interval.
Hindi naman inirerekomenda ang dengvaxia sa mga batang may edad 2 hanggang limang taong gulang dahil na rin sa mataas na panganib ng posibleng pagkaka-ospital ng mga ito.
Binigyang diin ng WHO na ang paggamit ng dengue vaccine ay dapat bahagi ng isang komprehensibong stratehiya sa pagkontrol ng dengue, kabilang na ang masusing pag-monitor sa mga pasyenteng tinurukan nito, bagama’t wala pang malinaw na pag-aaral kaugnay sa impact nito sa pagkontrol ng dengue outbreak.
Nakasaad din sa posisyon ng WHO na nananatili ang pangangailangan sa karagdagang mga pag-aaral ukol sa bakuna at pag-implementa nito kung saan prayoridad ang posibleng mas maikling dosing schedule sa mga babakunahan at kung ligtas ba ang dengue vaccine sa mga buntis na ina.
Iginiit din ng WHO na kinakailangan ng mga research para i-monitor ang occurrence ng sakit sa mga taong nabakunahan na ng dengue vaccine.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga abisong inilabas ng WHO ukol sa dengue vaccine, Hulyo 2016, dalawang buwan matapos na ipatupad sa bansa ang school based immunization ng dengue vaccine, Abril 2016.
Sa pag-upo sa puwesto ni dating Health Secretary Paulyn Ubial noong nakaraang taon ay itinuloy ang pagbabakuna na pinalawak sa Cebu at iba pang karatig lugar, sa rekomendasyon na rin umano ng isang panel ng mga eksperto.
Matatandaang Disyembre 2016 nang kuwestyunin ni Ubial sa House of Representatives’ Health Committee hearing ang ‘timing’ sa pagpapatupad ng dengue vaccine program na ipinatupad ng noo’y Health Secretary Garin bago ang May 2016 Presidential Elections.
Ipinagtatataka rin noon ni Ubial kung bakit aabot sa 1 milyon ang mga batang babakunahan gayung nagsimula ito na ang target ay nasa 20,000-30,000 na mga bata lamang.
—–
Sources: WHO, DOH