Aminado ang Armed Forces of the Philippines o AFP na nagsimula nang palakasin ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army ang kanilang pwersa matapos silang ideklarang mga terorista ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni AFP Chief of Staff General Rey Leonardo Guerrero na nakatanggap sila ng impormasyon na naghahanda na ang CPP-NPA para sa nalalapit nilang anibersaryo.
Dahil dito, nangako si Guerrero na mas matindi pa ang kanilang gagawing pagbabantay at opensiba laban sa mga tinaguriang terorista.
Samantala, labing-isang araw bago ang kaniyang pagreretiro, lumusot na sa makapangyarihang Commission on Appointments si Guerrero.
Si Guerrero ay itinalaga sa pwesto ng Pangulo noong October 26 kapalit ni dating Chief of Staff Eduardo Año pero nakatakda na itong magretiro sa December 17.
—-