Naniniwala si Senate Committee on Health Chairman JV Ejercito na makabubuting magsalita at magpaliwanag si dating Pangulong Noynoy Aquino
Ito ay kaugnay ng dalawang beses na pakikipagpulong nito sa Sanofi Pasteur, manufacturer ng dengvaxia dengue vaccine noon.
Ayon kay Ejercito, hindi maiiwasang pagdudahan ang pakikipagpulong ni Aquino sa Sanofi dahil sinasabing matapos nito ay naaprubahan ang procurement ng dengvaxia na nagkakahala ng 3.5 billion pesos.
Gayunman sinabi ni Ejercito na premature pa para ipatawag ang dating Pangulo sa mga nakatakdang imbestigasyon hinggil sa usapin tulad ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at Committee on Health.
Congress hearing
Samantala, mas makabubuti para kay dating Pangulong Noynoy Aquino kung dadalo ito sa nakatakdang pagdinig ng Kongreso sa mahigit tatlong bilyong pisong dengue vaccination program sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ito ang iginiit ni Health Secretary Francisco Duque matapos ihayag ng mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagsasagawa ng magkahiwalay ng imbestigasyon sa usapin.
Ayon kay Duque, dapat mismong si dating Pangulong Aquino ang magpaliwanag kung bakit niya inaprubahan ang paggamit sa dengvaxia batay sa mga inirekomenda at ipinayo sa kanya.
Matatandaang, ipinag-utos ni dating Health Secretary Janette Garin ang pagpapabakuna sa mahigit 700,000 mga kabataan na may edad siyam na taong gulang pataas noong January 2016, ilang buwan lamang matapos umano makipagpulong ni Aquino sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur.
—-