Pinamamadali na ng Kamara sa Task Force Bangon Marawi ang pagsusumite ng master plan para sa itatayong permanent housing sa Marawi City.
Ito ayon kay House Committee on Housing and Urban Development Chair Albee Benitez ay para mapag – aralan ng Kamara ang paglalatag ng pondo hinggil sa permanent housing.
Sinabi ni Benitez na handa ang Kamara na bigyan ng sapat na pondo ang rebuilding at rehabilitation ng Marawi City, matapos niyang inspeksyunin ang mga itinayong temporary housing.
Target ng National Housing Authority (NHA) na makalipat ang paunang limandaang (500) pamilya sa labing anim (16) na ektaryang lupain bago matapos ang taong ito.
Matatandaang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na posibleng ikunsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rehabilitasyon sa lungsod ng Marawi sa kaniyang gagawing deklarasyon hinggil sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao.
Nakatakdang mapaso sa Disyembre 31 ang unang extension na iginawad ng Kongreso hinggil sa Martial Law mula nang mapalaya ang Marawi City sa kamay ng mga terorista noong Oktubre.
Protesta vs martial law sa Mindanao
Limampung (50) miyembro ng grupong Barug Katungod Mindanao ang lumusob sa Korte Suprema.
Ipino – protesta ng grupo ang anito’y pagkampi ng High Tribunal sa idineklarang martial law ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Ayon kay Ryan Amper, spokesman ng grupo, tila pinahihintulutan ng nasabing pasya ng Korte Suprema ang pangha – harass at pambobomba partikular sa mga Moro at Lumad sa rehiyon.
Kaugnay nito, nais ng grupo na mapanagot ang Pangulo sa dinaranas ng mga mamamayan sa Mindanao.
Matapos sa High Tribunal, lumipat ang grupo sa Department of Justice o DOJ na anila’y walang silbi sa pagbibigay ng hustisya sa mga katutubo, magsasaka at mga human rights defender na biktima ng extra judicial killings (EJK’s) at harassment mula sa mlitar.