Nagpaliwanag si dating Health Secretary Janette Garin sa pakikipagpulong nito sa mga opisyal ng Dengue vaccine manufacturer na Sanofi Pasteur sa Paris France nuong 2015.
Ayon kay Garin walang malisya at sariling agenda ang kanyang pakikipagpulong sa naturang kumpanya dahil sa buong biyahe sa Paris ay kasama aniya nila ang mga opisyal din mula sa Department of Foreign Affairs.
Layon lang aniya ng naturang pulong na malaman kung ilalabas na ba ang naturang bakuna at kung magkano ba talaga ang presyo nito lalot marami na ang naghihintay sa naturang bakuna sa Pilipinas dala ng matindi pangangailangan sa panahong iyon.
Nanindigan rin si Garin na ipinatupad ng DOH ang dengue vaccination ng Dengvaxia alinsunod sa guidelines at criteria ng World Health Organization.
Samantala, handa namang humarap si Garin sa anumang isasagawang imbestigasyon kaugnay ng kinukwestyon ngayong bakuna kontra dengue.
Anunsyo ng Sanofi, nagdulot ng takot
Pinuna ni dating Health Secretary Janette Garin ang anunsyo ng kumpanyang Sanofi Pasteur na maaring magdulot ng severe dengue ang bakunang Dengvaxia sa mga naturukan nito na wala pang history ng sakit na Dengue.
Ayon kay Garin, dapat sinamahan ng paliwanag ng Sanofi ang kanilang findings upang hindi ito nagdulot ng matinding takot sa publiko.
Batid ni Garin ang sentimyento ng publiko lalot maging aniya siya ay natakot din dahil maging ang kanyang anak ay nabakunahan ng Dengvaxia.
Sinabi ni Garin na kabilang ang kanyang anak sa may mahigit 800,000 estudyante na nabakunahan sa naturang programa ng DOH.