Tinatayang isandaang libong pamilyang naninirahan sa mga riles ng Philippine National Railways o PNR South Project mula Maynila hanggang Sorsogon ang i-re-relocate na ng pamahalaan.
Alinsunod ito sa nilagdaang memorandum of agreement ng Department of Transportation o DOTr sa pangunguna ni Secretary Arthur Tugade at PNR.
Lumagda rin sa kasunduan sina Terry Ridon, Chairman ng Presidential Commission for the Urban Poor; Marcelino Escalada Jr., General Manager ng National Housing Authority o NHA, Arnolfo Cabling, Pangulo ng Social Housing Finance Corporation at Eduardo del Rosario, Chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC.
Ayon kay Tugade, ang naturang proyekto na nagkakahalaga ng 151 billion pesos ay inaasahang matatapos sa taong 2021 depende kung hindi magkakaroon ng aberya.
Popondohan ito ng Chinese government alinsunod sa nilagdaang memorandum of understanding noong November 15 sa pagitan ng Department of Transportation at Ministry of Commerce ng China.
—-