Gugulong na ngayong araw ang pagdinig ng Senado kaugnay sa kontrobersyal na pagbili at paggamit ng Department of Health o DOH ng dengue vaccine na dengvaxia.
Ayon kay Senador JV Ejercito, Chairman ng Committee on Health and Demography, tutukan sa hearing kung paano nabili ang mga dengue vaccine mula sa manufacturer nito na Sanofi Pasteur.
Giit pa ni Ejercito, kailangang matukoy ang dahilan ng pag-uusap ng mga dating opisyal ng pamahalaan tulad nina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Health Secretary Janette Garin sa Sanofi Pasteur bago ang procurement ng nasabing bakuna.
Si Garin ang kalihim ng DOH nang simulan ang anti-dengue vaccination program sa mga pampublikong paaralan sa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon.
Inaasahan namang haharap ang dating kalihim maging si dating Pangulong Aquino sa pagdinig ngayong umaga.
Guidelines ng WHO sa dengvaxia, nasunod ng DOH sa ilalim ni Garin—Duque
Binigyang diin naman ni Health Secretary Francisco Duque III na sinunod nina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Health Secretary Janette Garin ang mga guidelines ng World Health Organization o WHO sa paggamit ng dengvaxia.
Ayon kay Duque, ito ang kanilang nakita batay sa feedback at documentary evidence.
Nakasaad sa ilalim kasi ng guidelines ng WHO na maaari lamang ipagamit ang dengvaxia sa mga komunidad kung saan nakapagtala ng dengue sa 70 percent ng populasyon nito; pagturok sa mga nasa edad na siyam hanggang apatnapu’t limang taong gulang, at pagbibigay ng tatlong shots ng bakuna.
Gayunman, hinimok pa rin ni Duque sina Aquino at Garin na dumalo sa isasagawang imbestigasyon ng Senado ngayong araw upang linisin ang kanilang mga pangalan sa isyu.
***
Samantala, nanganganib madiin si Pangulong Noynoy Aquino sa kontrobersyal na pagbili ng 3.5-billion-peso anti-dengue vaccine na dengvaxia.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon, nadungisan ang magandang hangarin ng anti-dengue immunization program dahil sa kabiguan ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino na gampanan ang tungkulin nito.
Hindi naman aniya ipatutupad ang nasabing programa kung walang approval ng Pangulo.
Posible rin aniyang imibitahan sa pagdinig si Aquino upang pagpaliwanagin hinggil sa pakikipagpulong nito sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur noong 2015.
Samantala, dapat ding tumestigo si dating Health Secretary Paulyn Ubial upang ipaliwanag naman kung bakit ipinagpatuloy ang immunization program gayong nauna na pala itong kinansela.
—-