Idinepensa ni dating Public Works Secretary Rogelio Singson ang bayaw ni dating Pangulong Benigno Noynoy Aquino III na si Eldon Cruz sa kontrobersyal na Right of Way Scandal sa General Santos City sa Mindanao.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Works, tinawag na ‘peke’ ang mga dokumentong inilahad ng testigong si Roberto Catapang na nag – uugnay sa kanila ni Cruz at ni dating Budget Secretary Florencio Butch Abad.
Nilinaw din ni Singson na hindi siya kailanman nakinabang sa nasabing proyekto taliwas sa paratang ni Catapang.
Dahil sa dekada nobenta (’90) pa aniya ang mga kinukuwestyung proyekto gayung 2003 naka – petsa ang mga dokumentong inilabas nito.
Nanindigan si Singson na mula nang maupo siya sa puwesto bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mahigpit niyang sinusunod ang mga proseso partikular ang validation at valuation sa Right of Way Claims.
Magugunitang inakusahan ni Catapang sina Singson, Abad at Cruz na nakapagbulsa umano ng walo punto pitong bilyong piso (P8.7-B) na siyang isinumbong naman kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre.