Iminungkahi ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na makabubuting huwag nang gamitin ang katagang ‘tokhang’ at ‘double barrel’ sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, nagkaroon ng negatibong kahulugan sa publiko ang mga nabanggit na salita kung saan pagpatay o patayan agad ang pumapasok sa kanilang isip kapag ito ay naririnig.
Suhestyon ni Aquino, huwag nang gumamit ng slogans at gawin na lamang itong ‘plain’ na buy-bust operations.
Gayunman, nilinaw ni Aquino na kanya lamang itong mungkahi at nasa kamay pa rin ng Philippine National Police o PNP kung patuloy silang gagamit ng slogan ngayong ibinalik na sila ni Pangulong Duterte sa war on drugs.
PNP-DEG Chief
Samantala, pormal nang umupo bilang bagong hepe ng PNP-Drug Enforcement Group si Senior Superintendent Albert Ignacio Ferro.
Sinabi ni Ferro na pag-aaralan niya sa kaniyang liderato sa PDEG ang mga safeguards at nakatakda rin silang bumuo ng bagong best practices laban sa ipinagbabawal na gamot.
Dagdag pa ni Ferro, gagamit din ng bagong pamamaraan o taktika sa mga isasagawang aniti-Illegal drugs operation.
Tiniyak din Ferro na hindi nila binabalewala at gagawan ng aksyon kung mayroon mang pagkakamali sa mga nakalipas na mga taon sa war on drugs.
Sa huli iginiit ni Ferrro na isang professional unit ang PDEG na sumusunod lamang sa batas.
—-