Iminungkahi ng mga eksperto mula sa PSMID o Philippine Society for Microbiology and Infectious Disease sa pamahalaan na magkaroon ng maigting at matagalang pagbabantay sa mga batang naturukan ng kontrobersiyal na bakuna kontra dengue.
Ayon kay Dr. Fatima Guiterrez ng PSMID dapat magkaroon ng opisyal na talaan ang pamahalaan ng lahat ng batang nabakunahan upang mabigyan sila ng tamang atensyon sa loob ng anim na taon o higit pa.
Dagdag pa ni Guiterrez dapat ipatingin agad ang mga batang nabakunahan ng Dengvaxia sa oras na makaramdam ito ng lagnat, panghihina o pamamantal.
May sapat din aniyang kakayahan ang mga doktor sa bansa para tugunan o gamutin ang Dengue dahil ito ay maituturing na endemic o pangkaraniwang sakit sa Pilipinas.
Una na rito, inanunsyo ng Department of Health na bukas ang lahat ng pampublikong ospital sa lahat ng nais magpatingin tungkol sa Dengue at Dengvaxia.