Pinadalhan na ng summon ng National Privacy Commission (NPC) ang Uber Philippines upang ipaliwanag ang malawakang data breach noong isang taon na nagbunyag sa mga personal na impormasyon ng isandaan pitumpu’t isang libong (171,000) Filipino drivers at passengers.
Ayon kay NPC Commissioner Raymund Liboro, dapat ipaliwanag ng Uber ang data processing operations nito partikular ang organizational, technical at physical security measures na kanilang ipinatutupad upang pangalagaan ang mga tsuper at mananakay.
Gumagawa aniya sila ng mga hakbang upang tiyakin na hindi magagamit ng mga mapagsamantala at mauulit sa hinaharap ang mga naglabasang impormasyon.
Nilinaw naman ng NPC na tanging mga pangalan, e-mail address at phone number ang na-expose.
Magugunitang kinumpirma ng Transport Network Vehicle Service o TNVS na Uber Philippines na kabilang ang personal information ng Filipino users sa napaulat na data breach sa 50 milyong user at driver sa buong mundo.
Gayunman, nabigo ang Uber na bigyan ang NPC ng karagdagang impormasyon hinggil sa data breach.