(To be updated)
Kasalukuyan nang nasa West Philippine Sea ang bagyong Urduja makaraang makatawid na ito sa lalawigan ng Palawan.
Batay sa pinakahuling datos mula sa PAGASA, namataan ang bagyo sa layong siyamnapung (90) kilometro hilaga hilagang kanluran ng Puerto Princesa City sa Palawan.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hangin na aabot sa apatnapu’t limang (45) kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa animnapung (60) kilometro kada oras.
Patuloy na kumikilos ang bagyong Urduja sa direksyong pa kanluran sa bilis na labing walong (18) kilometro kada oras at inaasahan itong nasa layong dalawandaan at pitumpung (270) kilometro kanluran ng Puerto Princesa bukas.
Dahil sa humina na bilang tropical depression ang bagyong Urduja, babala ng bagyo bilang isa na lamang ang nakataas sa lalawigan ng Palawan na magdadala pa rin ng mga pag – ulan sa nasabing lalawigan at sa iba pang karatig lugar nito.
Samantala, isa pang sama ng panahon ang binabantayan ng PAGASA na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na huling namataan sa layong isanlibo at limandaang (1,500) kilometro silangan ng Mindanao.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa apatnapung (40) kilometro malapit sa gitna at may pagbugsong aabot naman sa limampung (50) kilometro.