Kinundena ng Malakanyang ang panibagong pag – atake ng New People’s Army o NPA sa tropa ng militar na maghahatid sana ng tulong para sa mga sinalanta ng bagyong Urduja sa lalawigan ng Samar.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, pinatunayan lamang ng NPA ang pagiging traydor nila sa mga Pilipino at ipinakikilala lamang nila ang sarili bilang teroristang grupo.
Maituturing aniyang isang war crime ang ginawa ng mga NPA sa ilalim ng international humanitarian law dahil malinaw aniyang pinagkaitan ng mga rebelde ang mga residenteng nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.
Sa panahon aniyang ito na nagtutulungan ang marami sa paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan at mga nasalanta ng kalamidad, iginiit ni Roque na dapat aniyang tumutulong din ang mga rebelde kung talagang ang nais nila ay ang pagtatamo ng kapayapaan.
Matatandaang dalawang sundalo ang sugatan matapos tambangan ng mga miyembro ng NPA sa bahagi ng Catubig at Las Navas sa Northern Samar.
Kinilala ang dalawang sugatang sundalo na sina Corporal Yzazel Laure at Private First Class Ronald Gomez na kapwa nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa ospital.