Umaasa si Senadora Risa Hontiveros na pakikinggan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon ang mga negatibong feedback laban sa kaniya para mabago na ang kaniyang asal sa mga susunod na pagdinig.
Inihayag ito ni Hontiveros makaraang sabihing hindi niya susuportahan ang hakbang ni Senador Antonio Trillanes IV na patalsikin si Gordon bilang chairman ng nasabing komite.
Bagama’t aminado si Hontiveros na dismayado rin siya at iba pang Senador sa mga paraan ni Gordon sa paghawak sa pagdinig hinggil sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine, sinabi nitong wala siyang plano na sundan ang nasabing hakbang.
Maliban kay Hontiveros, nagrereklamo rin sina Minority Senators Franklin Drilon, Francis Kiko Pangilinan at maging ang kapwa chairman ni Gordon na si Senador JV Ejercito dahil sa maliit na oras at halos hindi makasingit para makapagtanong sa mga inimbitahang resource persons.