Nagsimula nang sumipa ang presyo ng mga paputok sa Bulacan, halos dalawang linggo bago ang Bagong Taon.
Ang kwitis na dating nasa P2.50 ay nasa P7 na habang ang sawa naman na dating mabibili sa P125 ay nasa P250 na ngayon.
Ayon sa ulat, ang pagtaas ng presyo ng paputok ay bunga ng mababang suplay ngunit mataas na demand rito.
Matatandaang nabawasan ang mga gumagawa ng paputok na nag-renew ng kanilang lisensya ngayong taon dahil sa inilabas na kautusan ng Pangulong Duterte na naglilimita sa paggamit ng firecrackers sa buong bansa.
Hunyo 20 ngayong taon nang pirmahan ng Pangulo ang Executive Order No. 28 kung saan nakasaad na limitado na lamang sa ‘community fireworks display’ ang paggamit ng paputok dahil na rin sa mataas na bilang ng mga naitatalang injuries tuwing Bagong Taon.
May ilang lokal na pamahalaan na rin sa mga lugar sa Pilipinas ang nagpapatupad ng total ban sa paggamit ng paputok.
—-