Nakahanda ang mga tauhan ng Quezon City Police District o QCPD Station 6 na sumalang sa anumang imbestigasyon kaugnay ng alegasyon ng Reuters na mayroong Davao Boys sa naturang himpilan na responsable sa pagpatay sa maraming drug suspects.
Ayon kay Quezon City Police District Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, handa aniyang patunayan ng QCPD Station 6 na lehitimo ang lahat ng kanilang naging operasyon.
Hindi naman itinatanggi ni Eleazar na may mga operasyon ang kanilang mga pulis na nauuwi sa engkwentro at pagkakasawi ng mga target na suspek sa dahilang nanlaban ang mga ito.
Gayunman binigyang diin nito, marami man ang napapatay sa operasyon ng mga pulis ay marami din naman aniya ang napapasuko at nahuhuling mga suspek.
Matatandaang sa ulat ng Reuters, nasa likod umano ng pagkakasawi ng animnapu’t dalawa (62) katao sa anti-drug war ng lungsod ang mga tinaguriang Davao Boys o mga pulis na galing Davao City.
—-