Hindi muli magsasagawa ng pagseselyo ng mga baril ang Philippine National Police o PNP ngayong Kapaskuhan at pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos, noong nakaraang taon pa tinanggal ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang nasabing tradisyon at hindi muli ito isasagawa ngayong taon.
Gayunman, tiniyak ni Carlos na mahigpit pa rin ang gagawing pagbabantay ng PNP para sa seguridad ng bansa ngayong holiday kasabay ng paglalatag ng Ligtas Paskuhan 2017.
“Duty po tayo, lahat ng pulis naka-duty, alas-5:00 ng hapon ng Disyembre 24 hanggang alas-5:00 ng umaga ng Disyembre 25, muling babalik ng alas-5:00 ng hapon ng Disyembre 31 at magtatapos ng alas-5:00 ng umaga ng January 1. Ito po yung pagbabantay ng lahat ng puwersa ng PNP para maiwasan ang paggamit ng paputok at illegal discharge of firearms.” Ani Carlos
on Reuters report
Samantala, kinuwestiyon ng PNP ang motibo sa pinalabas na special report ng international news agency na Reuters kung saan tinaguriang ang Quezon City Police District Station 6 bilang deadliest police station.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos, walang binanggit at napatunayan nasabing sa special report hinggil sa ginawang paglabag ng mga pulis mula sa QCPD Station 6.
Iginiit din ni Carlos na hindi dapat direktang iugnay sa mga pulis na inilipat mula o malapit sa Davao City ang mataas na bilang ng napatay na drug suspects dahil regular na aktibidad aniya ng PNP ang magbalasa ng mga tauhan.
“I think ang importante diyan is you do a lot of analytics para makita natin kasi ang una nating tinitignan ay motibo, ano ang gusto nilang ibigay na impormasyon sa sinasabi nilang 4-month investigation, they should answer that. The transfer and reassignment is a regular activity of the PNP, what’s so special about it.” Pahayag ni Carlos
(Ratsada Balita Interview)