Gumulong na ang imbestigasyon sa paglubog ng MV Mercraft 3 sa lalawigan ng Quezon.
Ipinabatid ito ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos ikalungkot ng Malakanyang ang naturang insidente.
Pinaalalahanan ni Roque ang transport officials na gawing mabuti ang kanilang mga trabaho lalo na’t inaasahan ang pagdagsa ng mga biyahero sa mga lalawigan ngayong holiday season.
Una nang inihayag ng NDRRMC na lima (5) ang nasawi at mahigit dalawangdaan (200) ang nailigtas mula sa lumubog na fast craft.
Philippine Coast Guard
Puspusan ang rescue operations ng Philippine Coast Guard o PCG sa lumubog na MV Mercraft 3 sa lalawigan ng Quezon.
Ipinabatid ito ni Lt. Commander Victorino Acosta, station commander ng PCG – Northern Quezon kahit pa abutin aniya sila ng Pasko.
Sinabi ni Acosta na nagsasagawa na sila ng shoreline patrol dahil posibleng napadpad sa iba’t ibang dalampasigan ang mga biktima.
Katuwang aniya nila sa rescue operation ang Philippine Navy at iba pang rescue teams para sa mas mabilis na paghahanap sa iba pang nawawalang pasahero ng naturang fastcraft.