Paglalayas ang nakikitang dahilan ng Philippine National Police o PNP sa pagkawala ng 17-anyos na si Ica Policarpio noong nakaraang linggo.
Ayon kay National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Director Oscar Albayalde, hindi pagkakaunawaan ang isa sa mga nakikita nilang dahilan ng paglalayas ni Policarpio.
“Mukhang na-depressed ang bata at naglayas so parang gumanti sa kanyang magulang, yan po ang nakikita natin although hindi pa po masyadong kinakausap ang bata dahil binibigyan ng pagkakataon para makapagpahinga.” Ani Albayalde
Kasabay nito, pinasalamatan ni Albayalde ang mga netizen na naging susi sa pagkakahanap kay Policarpio sa San Pablo City sa Laguna.
“Unang-una sa mga netizens, yan po ang malaking nakatulong kaya na-locate ang bata at nagpapasalamat din ang kanyang mga magulang sa tulong hindi lang ng ating Kapulisan o ng NBI, lahat po tumulong diyan, marami tayong impormasyong nakuha.” Dagdag ni Albayalde
Samantala, nilinaw naman Albayalde na hindi pa case closed ang kaso ng pagkawala ni Policarpio at mag-iimbestiga pa rin ang National Bureau of Investigation o NBI para matukoy kung may nag-udyok ba kay Policarpio na maglayas o di kaya ay kung isang uri ito ng challenge na ginawa ng dalagita.
Sa ngayon, sinabi ni Albayalde na binibigyan muna nila ng espasyo ang pamilya Policarpio at posibleng simulan ang imbestigasyon matapos ang holiday season.
“Umalis po siya walang nakitang kasama siya, puwede pong mangyari yan although ngayon lang natin yan nabalitaan na may mga ganyang laro at challenge, lalong-lalo na nambibiktima sa ating mga kababayan.” Pahayag ni Albayalde
(Ratsada Balita Interview)
Photo From: Ica Policarpio/ Facebook